Friday, October 3, 2008

Binyagan natin itong blog na ito

...sa pamamagitan ng isang tula.


Tulang naisulat matapos itapon
ang isa na namang tula ng pangungulila

Gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat
tungkol sa pangungulila. Nariyan ka,
isiniksik ko na ang linya sa aking puso,
sa pagitan ng Hinahanap kita at Wala
ka rito. Narito ako, isinisigaw ang puwang
na lumulutang-lutang sa aking dibdib.
Tumingala ka: nariyan ako, sa espasyo
sa pagitan ng mga tala. Nariyan ka,
at kung pipikit ako, nariyan ka pa rin,
papalapit sa akin. May pangungulila
bang nananahan sa mga pagitan? Maaari
kitang tabihan kung maniniwala ka:
gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat.
Gusto kong makasama ka at wasakin
ang lahat ng puwang. Gusto kong ikuyom
ang iyong kamay at sabihing narito tayo,
pakiusap, iwan na natin ang pag-iisa
sa mga tala. Kung mananaginip ako,
nariyan ka rin. Kukunin mo ang palad ko,
ituturo ang linyang maaari kong sundan.
Ikaw ba ang nasa dulo, mahal?
Dahil ayaw ko nang maligaw.

5 comments:

Anonymous said...

o, di mo pa naayos tagboard mo.

Anonymous said...

letse ka talaga magsulat brandz (hehe)

Anonymous said...

eto. para friends din tayo dito. gaya ng tabulas days :)

Anonymous said...

ang hindi ko lang maintindihan ay kung paano ninyo ako nakita dito. hehe.

Anonymous said...

sa blog ni mikael co. yun.