Sarap noong nagdaang plevsem ng heights! May panghihinayang tuloy na ngayon lang ako nag-EB. Pero kahit gano'n, masayang masaya pa rin ako na nakapagtrabaho/bakasyon kami bilang magkakaibigan. Abangan mo 'yung susunod naming mga libro at proyekto ha.
Tulang naisulat matapos itapon ang isa na namang tula ng paglimot
Minsan, sinabi kong marunong lang akong magmahal ng mga bagay na lumilipas, na ang maisisilid ko lamang sa aking puso ay ang mga alaalang nakakalas, ngunit binabalikan ko pa rin hanggang ngayon, kaibigan, ang isang takipsilim, noong nagsanib ang kulay ng araw at dagat sa isang sulok ng langit, noong paulit-ulit na tinungkab ng umaahong mga alon ang paiksi nang paiksi nating dalampasigan, noong sinabi ko, kaibigan, na wala akong nais kalimutan kundi ang mga bagay na di magpapaalala sa akin nito, ng dahan dahan nating mga hakbang paatras, tungo sa landas pabalik ng bahay kung saan maaari nating panoorin ang mga bituin at tanungin kung ano ang pakiramdam ng walang hanggan, maaari tayong makinig sa mga bulong ng maalat na hangin, maaari tayong magpalitan ng lihim tungkol sa takot na umibig sa mga bagay na nananatili, tungkol sa pangingilag sa mga pangako, at saka tayo sabay na titingin sa malayo, aalalahanin kung paano nga ba sinasagip ang lumulubog na puso.
Friday, October 17, 2008
Friday, October 3, 2008
Binyagan natin itong blog na ito
...sa pamamagitan ng isang tula.
Tulang naisulat matapos itapon ang isa na namang tula ng pangungulila
Gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat
tungkol sa pangungulila. Nariyan ka,
isiniksik ko na ang linya sa aking puso,
sa pagitan ng Hinahanap kita at Wala
ka rito. Narito ako, isinisigaw ang puwang
na lumulutang-lutang sa aking dibdib.
Tumingala ka: nariyan ako, sa espasyo
sa pagitan ng mga tala. Nariyan ka,
at kung pipikit ako, nariyan ka pa rin,
papalapit sa akin. May pangungulila
bang nananahan sa mga pagitan? Maaari
kitang tabihan kung maniniwala ka:
gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat.
Gusto kong makasama ka at wasakin
ang lahat ng puwang. Gusto kong ikuyom
ang iyong kamay at sabihing narito tayo,
pakiusap, iwan na natin ang pag-iisa
sa mga tala. Kung mananaginip ako,
nariyan ka rin. Kukunin mo ang palad ko,
ituturo ang linyang maaari kong sundan.
Ikaw ba ang nasa dulo, mahal?
Dahil ayaw ko nang maligaw.
Tulang naisulat matapos itapon ang isa na namang tula ng pangungulila
Gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat
tungkol sa pangungulila. Nariyan ka,
isiniksik ko na ang linya sa aking puso,
sa pagitan ng Hinahanap kita at Wala
ka rito. Narito ako, isinisigaw ang puwang
na lumulutang-lutang sa aking dibdib.
Tumingala ka: nariyan ako, sa espasyo
sa pagitan ng mga tala. Nariyan ka,
at kung pipikit ako, nariyan ka pa rin,
papalapit sa akin. May pangungulila
bang nananahan sa mga pagitan? Maaari
kitang tabihan kung maniniwala ka:
gusto ko nang bitiwan ang pagsusulat.
Gusto kong makasama ka at wasakin
ang lahat ng puwang. Gusto kong ikuyom
ang iyong kamay at sabihing narito tayo,
pakiusap, iwan na natin ang pag-iisa
sa mga tala. Kung mananaginip ako,
nariyan ka rin. Kukunin mo ang palad ko,
ituturo ang linyang maaari kong sundan.
Ikaw ba ang nasa dulo, mahal?
Dahil ayaw ko nang maligaw.
Subscribe to:
Posts (Atom)