Sunday, August 29, 2010

1.

Noong segundo ng pagkakapatay sa kaniya, sa pagitan ng pagputok at pagbaon ng bala, hinugot ako mula sa aking sarili paloob sa kalooban kong hindi ko matiyak kung bahagi pa ng sarili.

At sa loob noon: tahimik, masikip, malungkot.

2.

Naramdaman ko ang sariling nais kumawala, nais huminga, nais may kausapin. Ngunit para sabihin ang ano? Na may mga bagay akong hindi matanggap, na naniniwala akong walang taong pinipiling maging masama, na karapatan ng lahat ang maduwag?

Na sa labas ng bintana, tumitila na ang ulan, kung kailan maraming-maraming kailangan mahugasan?

3.

Nanatili akong tahimik dahil sumisigaw na ang buong mundo at kung walang makikinig, saan pa pupunta ang mga namamagang tinig na iyon? Ngayon, tinatanggap ko na ang kabiguan kong lumunok ng damdamin at hayaang umalingawngaw ito palabas ng aking lalamunan bilang pakikiramay. May kamay akong nais abutin. May mga mata akong nais tingnan. Ngunit wala, wala akong maihahaing salita.

4.

Noong gabing iyon, maraming bagay ang nabasag. Marahan kong pinupulot ang mga bubog: dugo, maso, putok, patak, ilaw, usok, bakal, bangkay.

5.

Marami pang naiwan.

3 comments:

Anonymous said...

hindi ko na alam kung saan-saan ko ba mapupulot ang sarili ko. maraming salamat dito.

mdlc said...

wasak ito, brandz.

brandz said...

ke nicko: ako rin. bukod pa siyempre sa wildfire pagkatapos. bukod pa 'yun.

ke kael: salamat. nakakalungkot lang siyempre na galing sa trahedya pa 'yung kapangyarihan sa likod nito.