Tuesday, November 2, 2010

Galing akong bakasyon. Oo, bakasyon. As in sakay-sa-eroplanong-punta-sa-di-ka-maaabot-ng-magulang-mo-walang-kakapit-ang-bahay-na-tinuluyan-mo na bakasyon. Sa Cebu.

Kasama ko si kumander, at ilan pang mga kaibigan. Ayos naman. Napagtanto kong di pala ako mabuting manlalakbay. Ni hindi ako mabuting turista. Dahil hindi ko na matandaan ngayon ang mga pangalan ng mga pinuntahan namin. Hindi ko na matandaan kung sinubok kong tandaan ang mga iyon.

Ang naiwan sa bagahe ng alaala ko: tubig-alat, batong may mukha, pangil, maiikling palda, hiyaw na nakabihis-kanta, pusit, kanin, at pusit pa ulit, dragon, gintong isda na hindi goldfish, kandila, lusaw na kandila, latak, altar, hipon, unan, kumot, unan, kumot, unan.

Tulad ng sinabi ko, hindi ako mabuting turista. Nangingilag pala ako sa mga great adventures. Lumalabas ako ng lungsod na kinagisnan ko at ang una kong hinahanap ay yung pamilyar, yung maginhawa, yung unan at kumot. Ewan ko. Siguro takot lang akong ilagay sa panganib yung mga akala kong kabisado ko na: yung mga salita, yung mga imahen, yung mga pinaniniwalaan kong totoo. Kasi parang hinahamon iyon ng bawat paligid. Bawat salitang hindi ko maintindihan, bawat kakaibang kagandahan, bawat antig na hindi ko mawari kung galing saan.

A, ewan. Basta pag-uwi ko ang una kong naramdaman: parang may nakalimutan akong gawin, parang may nakalimutan akong kausapin.

At ito ay para kay Lles:

Pagtahan

Umahon akong parang sumisilang
noong lumubog ka't tumiklop
at nagpabuhat sa mga alon.
Nauna kang nakauwi
sa dalampasigan.