Psst. May ipagtatapat ako sa 'yo. Hindi, hindi ako pinaghahanap ng mga kinauukulan. (O dapat nga ba?)
Hindi. Ang gusto ko lang namang sabihin e gumawa ako ng panibagong blog. Doon, sa dati kong lungga, sa Tabulas, kung saan ako unang natutong mangalmot ng dingding para sa mga taong mapapadaan, at baka sakaling magtaka sila kung ano ang kahulugan nu'ng mga linyang 'yun. At kung kaninong mga kuko galing 'yun. At baka hanapin nila ako.
Siguro mga tatlong entry na rin ang nasulat ko roon. Isa tungkol sa unang Christmas lights na nakita ko ngayong taon, isa tungkol kay Frelan, at siyempre isang pagpapakilala.
Para akong binatang first time uli nanligaw. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, kung anong mga kalokohan tungkol sa sarili ko ang ipakikilala ko. Pero ang sarap din nu'ng pakiramdam na 'yun. Kasi nga naman, lahat bago. Wala pang Muli, wala pang paghingi ng tawad, wala pang kahit na ano kundi heto ako, nasa harap mo. At mapapansin mo ako. Di ba?
Pero guess what? Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bigla na lang siyang na-ban. Binigyan ako ng personal e-mail na computer generated din naman. Sabi baka raw hindi ako sumunod sa patakaran. Hindi ko alam kung ano 'yung sinuway ko.
Sino ba naman kasi ang nagbabasa ng terms and conditions di ba? Hindi naman ako sumali ng promo. Hindi naman milyon-milyon ang nakataya. Ilang salita lang. Na ngayon kaya ko nang basta na lang bitiwan. Limutin.
-----
Kung bakit ako gumawa ng isa pang blog (na ngayon nga ay kaluluwa na lang sa cyberspace). Well, kasi, kasi. Well, wala lang. (Na parang lumayas ka ng bahay mo, nagpaangkin sa lungsod ng tatlong araw, bumalik, at sinabing hi Ma, trip ko na dito uli.)
O siguro 'yun nga 'yun. Na gusto ko munang lumayas sa bahay na 'to. Kahit ako mismo ang gumawa ng bahay na 'to. Ako mismo ang pumili ng mga muebles, nag-design-design ng kaunti, nagtakda kung saan puwedeng mahulog at hindi puwedeng mahulog ang mga bagay, naghikayat sa mga kapitbahay na bumisita at tingnan mo o, di siya kagandahan pero kumportable naman.
Sa 'kin mismo nanggaling na gusto ko maging bahay 'to nu'ng mga tulang nais kong ipakita sa iba, nu'ng mga kuwentong may kasapatan ang kahulugan, lahat maayos ang pagkakasabi, lahat nasa lugar. Ngunit sa mga desisyon kong iyon, parang sumikip nang sumikip ang bahay, naging silid, naging cabinet, naging piitang saktong-sakto lang para sa aking katawan. Ni hindi ako makapag-stomach-out.
Sa huli, siguro hindi ko lang magawang tahanan 'yung mga sarili kong kagustuhan.
Kaya ayun nga lumayas ako saglit. Pero hindi rin ako binigyan ng espasyo sa labas. Hi Ma, trip ko na dito uli.
-----
Nabalitaan ko rin ang paglilipat-blog ni Kael. Kaya ayun, pinagbababasa ko uli ang mga entry niya mula sa simula. (A, naririnig ko mula sa inyo, tama du'n nga galing ang format na 'to). Oo nga, du'n nga galing ang format na 'to.
Ngayon, napapaisip tuloy ako kung ano na nga ba 'ng napala ko sa kakablog ko. At kung saan na nga ba 'to papunta. At kung 'yung pagkakaroon ng sugat ng dingding e sapat nang gantimpala sa mga nagdurugo kong daliri.
Dati, napagmuni-munihan ko na kung ano 'yung kahulugan sa akin ng pagba-blog. Me kinalaman pa 'yun sa tensiyon sa pagitan ng personal at public spaces. Sabi ko isusulat ko iyon, sabi ko iba-blog ko. O at least ikukuwento sa iba kapag awkward silence ang ulam sa hapag-kainan. Hindi ko na maalala kung ano 'yun ngayon. Hindi ko na kasi napag-iisipan 'yung mga gano'ng bagay.
Ang natatandaan ko lang: maraming-marami akong ginustong sabihin. Maraming-marami. Higit pa sa dami ng eroplanong pinanood ko sa himpapawid buong buhay ko. Higit pa sa dami ng beses kong itinuro ang langit at sinabing, "Yan ang Orion." Higit pa sa mga kaibigan ko. Maraming-marami. At natatandaan ko rin mula pa noong unang isinulat ko, hanggang sa nagseryoso akong magsulat, hanggang nakatamo na rin ng pananampal ng komento at paghalik ng papuri, ang talagang ginusto ko lang gawin ay hatakin ka tungo sa isang sulok, maganda kung makahanap ka ng bangko, maganda kung malamig ang hangin at nangungusap ang katahimikan, at sabihin sa 'yo ang mga ito.
At tatahimik ako nang matagal na matagal. Habang pinakikinggan nang maigi ang himig at kahulugan ng lahat ng nais mong sabihin.