Thursday, September 24, 2009

1. 

Rain

Jack Gilbert

Suddenly this defeat.
This rain.
The blues gone gray
And the browns gone gray
And yellow
A terrible amber.
In the cold streets
Your warm body.
In whatever room
Your warm body.
Among all the people
Your absence
The people who are always
Not you.

2.

Kung ilalagay sa isang kategorya ang karamihan sa aking mga isinusulat, marahil papamagatan itong Pangungulila. Kundi Pangungulila, marahil Puwang. Kundi Puwang, marahil hindi na lang ito lalagyan ng pamagat dahil ang totoo, ang pinupunto nu'ng mga naisulat ko, e wala naman talaga (Kawalan na lang kaya?).

3. 

Halata bang hindi ko pa alam kung paano ito sisimulan?

4. 

Ganito pala 'yun, 'yung matagal ko nang nabasa, napanood, ikinalungkot, at pinag-isipan sa MRT noong tinatalakay namin sa klase si Heidegger. Ganito pala mamatayan. Paano ba, 'yung parang kinukutsara ng isang halimaw lahat ng laman ng puso mo hanggang hindi mo na alam kung kaya pang dumaloy ng dugo sa katawan mo. Kung may dugo ka pa bang dadaloy. Kung may katawan ka pa bang dadaluyan ng dugo.

Parang, hindi. Hindi parang, ganoon na nga talaga.

5. 

Si Frelan 'yung tinutukoy ko. Kung gusto mo siyang makilala, kung gusto mo lang talaga a, maaari mo akong kausapin. Pero kung gusto mo lang ng kuwentong mababasa, kung gusto mo lang makasunod sa mga pinagsususulat ko, heto:

Noong bata pa si Frelan, tinatawag namin siyang siopao kasi ganoon katambok 'yung pisngi niya. 'Yung tipong gugustuhin mong pisil-pisilin hanggang mamula nang lubos 'yung mukha niya. Hindi na nga lang siya mukhang siopao nu'n, siguro mas malapit sa isang napakatabang kamatis.

6.

Naghahanap ka pa ba nang mas maraming kuwento tungkol sa kaniya? Meron dito, sa luma kong blog.

7. 

Pero hindi 'yan talaga tungkol sa kaniya. Tungkol 'yan du'n sa isa ko pang pinsan. Nakakalungkot nga e. Na kung kelan ako gagawa ng blog entry tungkol sa kaniya, hindi na niya mababasa. O baka mababasa niya pero hindi ko na makikita 'yung reaksyon niya. O baka makikita ko 'yung reaksiyon niya, 'yung dapat na magiging reaksiyon niya, pero sa mukha ng ibang tao.

Siguro ang gusto ko lang sabihin: siya 'yung gusto kong makita.

8.

Namatay si Frelan kasi... Ang totoo hindi rin namin alam 'yung tunay na dahilan, hanggang ngayon na nailibing na siya. Ayon sa mga kuwento-kuwento, namaga lang bigla 'yung mukha niya noong nakaraang Lunes. Ewan kung allergies, ewan kung sintomas ng iba pang sakit. Binigyan ng gamot nu'ng Martes pero lalo lang lumala, lumobo. Nu'ng Miyerkulas, itinurok na sa kaniya 'yung gamot. Nu'ng Huwebes nagkritikal at itinakbo sa ICU. Hindi pa nagbi-Biyernes, naisara na ang kung anumang silid sa loob ng aming isip na naghihintay pa sana ng mga bagong alaala.

9.

Hindi ko rin alam kung paano ito tatapusin. Kasi hindi ko naman ginusto 'to e. Paano ko bibigyang kahulugan, paano ko malalaman kung ano'ng bagay ang gusto kong maiwan sa 'yo, paano ko sasabihin (sa aking sarili?) na maghihilom ang lahat, kahit na alam kong maghihilom ang lahat, ngunit paanong gugustuhin?

Sa ngayon, wala pa akong gustong maghilom. Sa ngayon, hindi ko ito isisilid sa kahit na ano'ng kuwadro para mabigyang katuturan. Sa ngayon, hahayaan ko lang ito (kung ano man ito, multo o alaala o alingawngaw na magiging multo ng isang alaala, kung maririnig ko pa ang tinig niya, sa mismong pagkakataong iyon ko na lang marahil malalaman), aantayin ko na lang may pumulot na iba at itago rin ito sa sarili niyang puwang sa dibdib, at kapag doon nabuhay at nanganak ng mga bagong damdamin, hahanapin ko siya para isalin ito sa aking puso. Saka ko lang masasabihing: Frelan, dahil mahal kita

10.

Ayaw ko siyang makalimutan. Narinig mo 'yun Panahon? Kahit makahanap ka ng paraan para mabura ang mga alaalang iyon, tandaan mong ayaw ko 'yun. Ayaw ko.

11. 

Paboritong kanta ni Frelan ang 21 Guns ng Greenday. Magaling siyang sumayaw. Crush ng bayan ng buong Our Lady of the Angels Academy. Siya ang pinakaastig na pinsan sa buong mundo.

12.

Siya ang pinakaastig na pinsan sa buong mundo.