Sunday, April 26, 2009

Dahil walang bago


Instructions to Be Left Behind

Marvin Bell
I've included this letter in the group
to be put into the cigar box—the one
with the rubber band around it you will find
sometime later. I thought you might
like to have an example of the way in which
some writing works. I may not say anything
very important or phrase things just-so,
but I think you will pay attention anyway
because it matters to you—I'm sure it does,
no one was ever more loved than I was.

What I'm saying is, your deep attention
made things matter—made art,
made science and business
raised to the power of goodness, and sport
likewise raised a level beyond.
I am not attaching to this a photograph
though no doubt you have in your mind's eye
a clear image of me in several expressions
and at several ages all at once—which is
the great work of imagery beyond the merely
illustrative. Should I stop here for a moment?

These markings, transliterations though they are
from prints of fingers, and they from heart
and throat and corridors the mind guards,
are making up again in you the one me
that otherwise would not survive that manyness
daisies proclaim and the rain sings much of.
Because I love you, I can almost imagine
the eye for detail with which you remember
my face in places indoors and out and far-flung,
and you have only to look upward to see
in the plainest cloud the clearest lines
and in the flattest field your green instructions.

Shall I rest a moment in green instructions?
Writing is all and everything, when you care.
The kind of writing that grabs your lapels
and shakes you—that's for when you don't care
or even pay attention. This isn't that kind.
While you are paying your close kind of attention,
I might be writing the sort of thing you think
will last—as it is happening, now, for you.
While I was here to want this, I wanted it,
and now that I am your wanting me to be myself
again, I think myself right up into being
all that you (and I too) wanted to be: You.

Friday, April 17, 2009

Matagal na akong hindi nagkukuwento


Ang totoo, hindi ko na nga rin alam kung paano magkuwento. O mag-blog update nang nagkukuwento. Kasi simula nang lumipat ako sa blog na ‘to, hindi na ako muli nagsulat ng ganito. Paano nga ulit? Ang alam ko lang, dapat may simula, kaya sisimulan ko sa tatay ko. Gano’n naman lagi e. Kapag hindi ko alam kung saan magsisimula, nagsisimula ako sa tatay ko.

Umaga ng Huwebes Santo noong sinugod namin si tatay sa ospital, sa LPDH. Ayun, hindi siya makahinga, hindi lang hirap, hindi talaga makahinga. Nang sinabi niya kay nanay na dalhin na siya sa ospital, alam kong malubha na ‘yun. Ayaw na ayaw niyang nagpupunta sa ospital.

Isa lang ang maaaring sumama sa loob ng Emergency Room kaya naiwan ako sa labas, sa waiting room, kasama ang kaibigan ni nanay, si Tita Malen. Paminsan-minsan, kinakaskas namin ang katahimikan at nag-uusap. At dahil hindi naman talaga kami madalas na nag-uusap, wala siyang ibang maitatanong kundi saan na ba ako papasok, kung ano nga ba ulit ‘yung natapos ko, kung bakit ba kasi ayaw pang tumigil sa paninigailyo niyang tatay mo. Siyempre wala naman din akong ibang masasagot kundi, baka po sa Unilever o kung saan man ako mapapasok ni nanay, na Interdiscipilinary Studies Communications Track po, at oo nga po, matigas ang ulo.

Ngunit madalas ay tahimik nga lang kami. Patingin-tingin lang ako sa cellphone kahit wala namang nagte-text, at saka ko lang naisipang i-text ‘yung girlfriend ko. Hindi ko kasi alam kung ano ‘yung nararamdaman ko. Naisip kong masasabi niya sa akin. Nang mag-reply siyang everything’s going to be okay, noon ko pa lang natanto. Tama, kinakabahan ako.

Lumabas si nanay at sinabing wala pa raw ginagawa ‘yung mga doktor dahil abala pa sila sa isa pang pasyente sa loob, mukhang naghihingalo raw. Sinubok kong silipin ang loob mula sa bahagyang nakabukas na pinto ngunit wala akong nakita, nakasara ang mga kurtina. Maya-maya lang, may mga lumabas na nars at nagbubulungan sila. Patay na siguro, naisip ko. Gano’n lang kasimple, wala man lamang kawawa naman siya, o sino kaya ‘yun. Basta, patay na siguro. Tumayo ako at nasilip kong may doktor nang kausap sina tatay.

Wala talagang bakasyon sa ospital, marami pa akong nakitang isinugod sa Emrgency Room: isang lolong nahulog daw sa bike kasi naman ang tanda-tanda na nagba-bike pa, isang lolang may nakapasok sa ilong upang makahinga buhat-buhat ng mga anak niya, isang sanggol na hindi ko na nakita ang itsura dahil nakatitig lang ako doon sa inang maluha-luha sa pagmamadali.

Naramdaman kong biglang nanlamig ‘yung loob ko – parang natutunaw ‘yung atay ko at nilalamukot ang utak ko – nang lumabas uli si nanay. Naka-nebulizer na raw si tatay at kung gusto ko ay samahan ko raw siya sandali.

Pagpasok ko sa Emergency Room, sa halip na lalo akong mahilo sa amoy e nakaramdam pa ako ng bahagyang pagkalma. Hinanap ko kung saang kama nakahiga si tatay at nang makita ko siya, hindi ko alam kung ano’ng sasabihin ko. Mabuti na lamang at nakapikit lang siya, maingay ang paghinga kasabay ng pagbula ng gamot at pag-andar ng makina.

Noon ko na lamang natingnan nang mabuti ang mukha ni tatay: kulubot na ang balat sa pisngi, may mga parteng tila tinungkab na ng panahon, ang buhok niyang tila isang hagod na lang at malalagas na ang lahat. Oo nga, matanda na si tatay. Hindi ko alam kung ano pang mga pilat ang iniwan sa kaniya ng kaniyang mga pinagdaanan.

Noong unang taon ko pa lang sa Ateneo, nagsulat ako ng reflection paper para sa klase sa Filipino. Tandang-tanda ko pa kung paanong punong-puno ako ng kasiguruhan sa pagpili ko ng paksa: basta, magiging tungkol ito sa tatay ko. Halos tumagas ang dugo mula sa dami ng sugat na ikinintal ko do’n sa papel na ‘yon. Oo, gano’n kadrama. Lahat ng galit ko sa tatay ko – mula sa pagkakasampal niya sa akin noong musmos pa ako, hanggang sa lahat ng pinagkakautangan namin ngayon na marahil naghuhukay na ng libingan namin – naroon lahat, sariwang sariwa pa noon.

Galit ako sa kaniya, basta galit ako sa kaniya noon. Lahat ng problema namin sa bahay, iniugat ko sa kaniya. Hindi kami nakabayad ng telepono kasi ibinayad muna sa mga utang niya. Hindi kami makalabas para makapasyal kasi gamit niya ‘yung kotse. Nawalan kami ng kotse kasi kailangan namin ng pambayad para sa tuition ko, na hindi na namin dapat iniintindi kung wala kaming mga binabayarang iba, ‘yung mga kapalpakan niya. Basta lahat, siya may kasalanan.

Kaya naman noong kabigin ko sa dulo ng papel, noong sinabi kong wala akong magagawa kundi tanggapin siya dahil kahit ano’ng mangyari tatay ko pa rin siya at walang makapagbabago noon, naging di kapani-paniwala. Naaalala ko pa ang komento ng guro ko noon, sabi niya ‘natumba ako doon a.’

Noong napag-usapan namin ng personal ng guro ko ang tungkol sa papel na ‘yun, tinanong ko siya kung paano kung ‘yun naman na talaga ‘yung nararamdaman ko tungkol sa tatay ko, paano kung nakatawid na ‘ko mula sa galit tungo sa, basta, tatay ko siya. Sabi niya sa akin, wala naman tayong magagawa kung ‘yun ‘yung nangyari sa ‘yo, pero kailangan maramdaman din ng mambabasa iyon.

Hindi ko alam kung nararamdaman mo na ngayon. Ngunit doon din pala papunta ang lahat. Habang tumatagal ako doon sa espasyong iyon, na mga kurtina lamang ang nakatakip, parang ako ang napapagod. Parang ako ‘yung nahihirapan sa bawat niyang paghinga. Lalabas na sana ako nang pumasok ang isang nars at pinatay na ang nebulizer. Namulat na din si tatay at nakita ako. Nagugutom ako anak, sabi niya. Nagmadali akong hinanap sina nanay.

Pumunta kami sa canteen at bumili si nanay ng tinapay at nagtanghalian na kami ni Tita Malen. Habang kumakain, sinabi sa ‘kin ni tita na C.O.P.D raw ang hinala ng mga doktor ngunit hindi pa sila sigurado. Hindi ko alam kung ano ‘yun, hindi rin maipaliwanag ni tita. Kaya ayun, tahimik lang kami ulit, hanggang maubos ko na ‘yung kinakain ko. Nang bumalik si nanay sa canteen, pinuntahan ko ulit si tatay.

Nagulat na lang ako nang makita kong may nakaturok na sa kaniyang kamay. Pinadaan daw kasi ‘yung gamot doon para mas mabilis ang maging epekto. Nakatatlong nebulizer na si tatay noon ngunit hindi pa rin siya makahinga nang maayos. Unang beses ko pa lang maturukan ng ganito, sabi niya sa akin, na para bang batang nagpapakita sa akin ng bagong laruan. Talagang hindi ko kinaya anak, pagpapatuloy niya, napasigaw ako. Iba’t ibang larawan ang aking naisip, iba’t ibang itsura ng sakit na ipinasasalamat ko na lamang at hindi ko nakita.

Dumating si nanay kasama ang magiging doktor ni tatay sa tatlong araw namin sa ospital. Ipinaliwanag ng doktor kung ano ang C.O.P.D. Basta, sa madaling sabi, paninikip ng baga. ‘Yung paninikip na hindi na bumabalik sa normal. At oo, ‘yung paninigarilyo nga ang dahilan. Iyon na naman, kasalanan na naman niya. Mukhang gano’n talaga.

Umalis si nanay kasama si tita upang asikasuhin ang mga babayaran para makakuha ng kuwarto nang bigla namang dumating ang isang nars na may dala-dala nang bag ng dextrose. Ikakabit na dapat niya ang tubo doon sa saksakan na nakaturok nang biglang inilayo ni tatay ang kaniyang kamay at tinong nang may halong takot at hiya, sori miss a pero tuturukan mo ba ako ulit? Gusto kong matawa at sabihing, hindi na dad, ikakabit na lang ‘yan.

Ngunit hindi ako nakapagsalita. Hindi ako makapagsalita kasi parang naiiyak ako. Kasi naaawa ako, at dahil ayaw kong maawa kasi hindi naman ako dapat naaawa kay tatay kasi matapang ‘yan at ayaw niyang maawa ako, at dahil ayaw ko ngang maawa sa kaniya, lalo akong naawa.

Tatlong araw kaming nasa ospital at isa sa naging problema ni e iyong nakaturok na dextrose sa kaniya. Naiinis siya dahil hindi siya makagalaw, dahil lagi dapat dala-dala ‘yung IV, kahit sa banyo. Magagalit na lang siya at dapat laging maingat ang kaniyang kamay na hindi niya ito magamit na pantukod kapag tatayo siya o magamit sa paghawak ng kutsara. Naaasar siya tuwing maaalala niyang may karayom na nakatusok sa kaniyang balat. At ang pinakaayaw niya ay ‘yung backflow ng dugo. Talagang nagpapatawag siya ng nars upang ayusin ito, basta ayaw niyang nakikita ‘yung dugo at bakit ba naman kasi kailangan pa ito, reklamo niya. Muli, hindi ko alam kung matatawa ako o maaawa.

Impiyerno rin para sa kaniya ang fasting noong unang gabi. Matapos daw ang alas-otso, wala na raw siya dapat kainin o inumin, kahit ano, dahil kukuhanan siya ng dugo kinabukasan. Bandang alas-nuwebe pa lang, halos away-awayin na niya si nanay dahil nagugutom raw siya at kung hindi siya puwedeng kumain e di sige tubig na lang. Ngunit hindi rin puwede, kaya natulog na lang siya, konsumido. Hindi ako gaanong nakatulog noon kasi maya’t maya gigising siya, magtatanong kung hindi pa ba siya talaga puwedeng kumain. Si nanay marahil ang pinakanapagod sa amin.

Pero ayun at hindi rin naman nagtagal, gumaan na ang pakiramdam niya, nakikipaglokohan na muli sa mga bumibisita sa kaniya, tatawa nang malakas bago muling ubuhin nang parang may naipong kulog sa loob niya.

Palaging biro ni nanay, kapag nariyan ang mga kaibigan nila, na kapag hindi pa tumigil si tatay sa paninigarilyo, sori na lang, bahala na siya sa buhay niya, kung gusto niyang magpakamatay, wala naman kaming pera para lagi siyang dalhin sa ospital. Alam namin pare-pareho na hindi biro ‘yun ngunit nakitawa kami, kailangan naming tumawa dahil gusto naming maging biro lang ‘yun.

Bago kami lumabas sa ospital, mainit ang ulo ni nanay at hindi niya gaanong pinapansin si tatay. Malalaman ko na lamang na nag-away sila noong gabi. Dahil daw hatinggabi na e nagpapahanap pa si tatay kay nanay kung saan maaaring magpa-load. Gano’n kasi si tatay, kung sinu-sinong ka-text, hindi nauubusan ng ka-text, hanggang madaling-araw at kapag naubusan siya ng load, babaligtarin niya ang buong bahay, kapag hindi siya nakakuha agad. Kaya ayun, walang nagawa si nanay kundi maghanap ng kaibigan na gising pa at puwedeng magpasa ng ilang pisong pan-text.

Ikinuwento sa ‘kin ‘to ni nanay habang inaasikaso namin ang mga kailangang bayaran. ‘Yang tatay mo talaga, hindi na magbabago ‘yan, sabi niya habang may kung anong kinukuwenta mula sa bill.

Isang linggo nang hindi naninigarilyo si tatay. At narito ako, ikinukuwento ito, kasi, kasi – hindi ko rin alam. Para kasing hindi natapos ‘yung papel ko dati at kailangan ko sabihin sa ‘yo, ipaliwanag kung bakit ko nasabi ‘yung mga sinabi ko dapat. Para kasing dapat mo ‘tong malaman kung kilala mo ko. Para kasing kailangan kong magkuwento at dahil nga kapag wala akong maikuwento, nagkukuwento ako tungkol sa tatay ko.