Alas-diyes na ng gabi. Dalawang oras na lang bagong taon na. Hindi ko alam kung bakit parang wala masyadong pasabog sa kalsada. Siguro tinikom nga 'yun ng ban sa paputok. O baka nagpapakiramdaman pa lang ang mga tao.
Pero malakas na ang hiyaw ng mga speakers. Kani-kaniyang party-party sounds. Pinakikinggan ko ngayon ang I Gotta Feeling. At tama nga naman.
2.
Paano magpapaalam sa isang buong taon? Sana puwede ko na lang tipunin ang lahat ng damit, larawan, sapatos, sintas ng sapatos, boteng wala nang laman, sumbrero, papel ('yung blangko, at 'yung blangkong tinangkang sulatan), isilid sa isang dambuhalang tubo, pulbuhan ng pulbura, singitan ng mitsa. Sindihan.
At pagdating ng 5, 4, 3, 2, 1, titingala ako sa langit. Panonoorin ang pagliwanag nito. Dahil naging maliwanag ang taong 2010.
Magsasaabo ang lahat. Ang hindi ubusin ng apoy, itatago ko sa ilalim ng higaan ko.
3.
'Yung mga alaala, maaari rin bang ihagis pahimpapawid?
4.
Meron akong mga bagay na dapat panghinayangan. 'Yung mga bagay na ngumangatngat sa likod ko tuwing patulog na ako. Mga taong hindi nakausap, mga pagkakataong hindi sinunggaban, mga bagay na hindi ko naibulong kahit kanino. Mga binitiwan.
Ang dami. Ito na ata 'yung taon ding masyado akong natakot. Kaya, ayun. Ewan.
Pero ang totoo: mas marami pa rin akong ipinasasalamat. At baka 'yun 'yung dahilan kung bakit nakakatulog pa rin ako. Kung bakit gusto ko pa ring salubungin 'yung mga panaginip ko tuwing pipikit. Kung bakit patuloy pa rin akong gumigising, bumabangon.
At isa ka na d'un. Napasaya mo ako. Napangiti. Napa-tanginangsiyet. Grabe. Ikaw: 'yung mga ka-opisina ko, 'yung mga kaibigan ko sa Ateneo, 'yung mga ka-tropa ko sa FRM, 'yung pamilya ko, 'yung mga taong nagpupuno ng sangkatutak na puwang sa buhay ng isang tao. Ikaw, salamat sa 'yo.
5.
Mga resolution ko para sa susunod na taon:
- Magbasa pa. At hindi lang tuwing may panahon. Kahit wala. Kahit sa pagitan lang ng lunch at sa susunod na pagharap sa computer. Kahit bago lang matulog. 'Yung mayayapos mo na 'yung libro.
- Magsulat pa. Ilabas ang mga notebook na natanggap nu'ng birthday at pasko. Punuin ng linya. Tungkol sa mga nakikita. Tungkol sa nais makita. Tungkol sa 'di na nakikita.
- Mag-exercise pa. Dahil panay ang lamon sa opisina. Dahil panay ang lamon sa bahay. Dahil naiimbak na ang mga 'yun sa tagiliran. At dahil ayaw na ayaw mong kinakapos ng hininga.
- Matuto pa. Maraming-maraming bagay pa ang hindi mo alam. At suwerte kang ilang pindot lang ng mouse at keyboard e sasambulat na sa 'yo ang marami du'n. Maghanap. Palagi.
- Magbigay pa. Gawing mas madulas ang palad sa pagbitiw ng pera. Marami kang gustong tulungan. At hindi mo sila matutulungan kung iisipin mo lang na gusto mong tumulong.
- Magmahal pa.
6.
Hello 2011,
Malapit na tayong magkita. Tatagpuin kita sa labas ng bahay namin. Makikita mo akong may hawak na luses. Malamang sumisigaw. Nasasabik kasi ako sa pagdating mo.
Sana magkasundo tayo. At kung hindi man, well, wala naman akong ibang magagawa kundi umusad. Kasabay ka. Turuan mo akong antabayanan ang bawat ihaharap mo sa akin. Ipaalala mong isang taon lang kitang makakasama. Araw-araw.
Maging marahan ka sana. Dalhan mo ako ng ulan paminsan-minsan.
Hayaan mong tumanda ang aking pagkatao ng isa pang taon. Walang labis, walang kulang. Kabigin mo ako kabag inuunahan ko ang sarili ko. Sabihin mong malawak ang panahon. Itulak mo ako kapag nagmamabagal ako. Sabihin mong lagi't lagi, may humahabol sa akin.
Dalhin mo ako sa mga astig na taong magiging astig na kaibigan.
Sa iyo,
Brandz
7.
Malapit na. Palakas na nang palakas ang mga paputok. Sabay na pagdiriwang at digmaan.
Kukunin ko lang ang kahon ng posporo. Lalabas na ako.